Ang Buhay ng Gurong Commuter

Ang sinumpaang trabaho natin ay may malaking hamon na kaakibat nito. Kapag pumasa tayo sa Licensure Examination for Teachers hindi ibig sabihin tapos na ang ating kalbaryo. May nakaambang muli na dagok kapag tayo ay nakapasok o napili bilang isang permanenteng guro sa nasabing paaralan maging ito ay malapit o nasa liblib na lugar ng isang bayan.

Kapag may mga nakakausap tayong mga guro na maglalahad ng kanilang karanasan sa unang pagtuturo nila tiyak magdadalawang isip ka kahit tangan mo na ang appointment mo. Hindi sa umaayaw ka na bagkus iniisip mo ang panganib na kakambal sa hawak mong appointment Mapapahinto at mapapahinga ka ng malalim. Ito ba ang kapalit ng pagsusunog-kilay ko sa kolehiyo?

Swerte mo kung malapit ka sa iyong tirahan, paano kung isa ka sa mga susuong sa malalaking alon marating mo lang ang iyong paaralan? Paano kung nakatawid ka nga sa malalaking alon, aakyat ka pa ng bundok lulan ng habal habal o maglalakad? Paano kung tag-ulan?

Isa ako sa mga commuters na guro dito sa coastal barangay ng Masbate City. Mapalad pa rin ako  maituturing dahil hindi pa ako nakaranas ng matinding pagsubok sa pagtawid ng dagat. Normal pa rin na nakakayanan ko ang malalaking alon, nahihilo lang at muntik pa lang sumuka sa byahe.

May mga pagkakataon na walang byahe dahil sa gale warning na dala ng masamang panahon pero napipilitan pa rin kaming pumunta sa aming paaralan byaheng Bantigue at habal-habal . May mga pagkakataon na ayaw kong pumasok pero naiisip ko ang aking mga mag-aaral na naghihintay sa akin.

Minsan na akong natapunan ng alon at basa ang uniporme ko patungo pa lang sa aking paaralan pero hindi ito hadlang para umatras. Bahagi na ito ng buhay commuter. May mga panahon na may di-inaasahang pangyayari sa loob ng pamilya na kailangan ako, hindi ko magawa dahil malayo ang byahe.

Sa  kabila ng aking magandang hangarin, hindi pa rin maiwasan ang mapuna ng mga tao dahil sa minsan late na kami dumating dahil sa byahe. Pero hindi ako natitinag dahil ang mahalaga nagampanan ko ang aking tungkulin sa kabila ng masamang panahon at di-inaasahang pangyayari.

May pamilya rin ako. May mga pagkakataon din na dapat kung atupagin pero dahil ito ang napili kong hanapbuhay, anumang sitwasyon na nangangailangan ng aking serbisyo at pagkalinga marahil uunahin ko ang aking sinumpaang propesyon.

Sa karanasan kong ito lalo pa akong nagpupursige na pag-igihan ko ang aking pagtuturo para sulit naman ang hirap at layo ng byahe. Iniisip ko na lang na may mga batang naghihintay sa akin na gustong matuto at mas masaya ako na isa ako sa mga humubog ng kanilang pagkatao balang araw. Sa puntong ito, masasabi kong sulit ang aking pagod at hirap.