PAMANA

Sa dami ng pinagkakaabalahan natin sa mundong ibabaw, hindi natin namamalayan ang oras at panahon at isang araw namulat na lang tayo huli na ang lahat may mga bagay pa tayong dapat gawin at tapusin. Pero di ba mas masakit at nakakapaghinayang na naubos natin ang ating oras at panahon na pinagkaloob na wala man lang tayo masasabi nating pamana.

Naalala ko ang isang ina na sa dami ng kanyang anak, tagubilin sa mga anak na “Mag-aral kayo ng mabuti dahil iyan lang ang tanging pamana sa inyo na hindi mananakaw ninuman”.Sa ilan gasgas na ang ganitong paalala ng mga magulang pero para sa akin ito pa rin ang pinakamahalaga dahil subok at napatunayan na.

Sa isang banda marami pa rin ang ayaw isabuhay ang pangaral na ito. Nag-aral. Sinunod ang magulang sa kagustuhan pero hindi naman tinupad. Masaklap ang nangyari sa kanila. Hindi nakapagtapos. Napariwa sa bisyo. Nagpamilya ng maaga. Nabilanggo at ang masakit walang patutunguhan ang buhay.

Sa mga mabait at masunurin na mga anak, tinatamasa nila ang matiwasay na buhay, nasusunod ang nais at nabibili ang mga bagay na nagpapasaya sa kanila. Ang ilan sa kanila ay taas-noo tinalikuran na ang buhay mahirap. Mapalad sila. Sila ang mga taong nagsumikap na maiangat ang kanilang buhay taliwas sa kanilang nilakihang buhay.

Sa totoo lang hindi naman dapat salapi o anumang ari-arian ang dapat nating manahin sa ating mga magulang. Sapat na ang edukasyon. Marahil sang-ayon kayo sa akin. Tulad na lang sa aking pamilya. Hindi naman kami lahat propesyonal pero pinilit ng aking magulang na makatapos kaming lahat kahit haiskul lamang. Wala rin kaming ari-arian na pwedeng ibenta.

 

Published and Owned by: Elvira D. Maristela– T-III, Florentino C. Versoza ES