TINGNAN: Ginawaran ng sertipiko ng pagkilala ang ilang piling guro sa Filipino kasama na ang isang head teacher at pansangay na superbisor sa Filipino mula sa Sangay ng Lungsod ng Masbate sa katatapos na Gawad Parangal kaugnay ng Panrehiyong Pagdiriwang ng Buwan ng Wika na ginanap noong ika-29 ng Agosto taong kasalukuyan.

   

   

Kinilala ang mga natatanging ambag bilang manunulat nina Gng. Arlin A. Jardin, Master Teacher I, ng Pambansang Mataas na Paaralang Komprehensibo ng Masbate sa isinagawang serye ng Writeshop on the Development of Phil-IRI for Junior High School ng Bureau of Learning Delivery (BLD) – Teaching and Learning Division (TLD) at Gng. Analiza P. Astillero, Teacher III, manunulat ng Hulwaran ng Lingguhang Plano ng Pagkatuto at Pagtataya sa Filipino, Baitang 7.

Kasama sa mga kinilala sa nasabing parangal sina Gng. Marites C. Cleofe, Head Teacher IV, ng Pambansang Mataas na Paaralang Komprehensibo ng Masbate, at si Gng. Mary Grace B. Manlapaz, pansangay na superbisor sa Filipino, mga manunulat ng Hulwaran ng Lingguhang Plano ng Pagkatuto at Pagtataya sa Filipino, Baitang 7.

Samantala, ang Pansangay na Tagapamanihala na si Gng. Fatima D. Buen, CESO VI, ang Kawaksing Tagapamanihala na si G. Arvin R. Sese, CESE, at ang Hepe ng Curriculum and Implementation Division (CID) na si G. Noel D. Logronio ay nagpahatid ng mensahe ng pagbati sa mga awardees.

Ang paksang-diwa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika ngayong taon ay  “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Pagkilala.”