Gigi B. Paterno
Guro III
MNCHS

Ang pagtuturo ba ay isang propesyon? Ang sagot ko ay “Oo”.

Bilang isang guro, buong tatag kong hinarap ang mahabang panahon ng
paghahanda at patuloy na pagpapaunlad ng aking potensyal. Kailangan kong magpunyagi para sa kahusayan at hindi ang “pwede na” na kaisipan. Ipinangako ko sa sarili na ako’y maglilingkod sa mga mag-aaral, kaguro, mga magulang, at sa komunidad nang tama at may
pagpapahalagang moral at panrelihiyon.

Sa Code of Ethics for Professional Teachers o kilala bilang “Philippine
Teachers Professionalization Act of 1994” Article IV- A Teacher and the Profession -Section
1-3 , ay tunay na nabuksan ang aking isipan tungkol sa kahalagahan ng ating propesyon na
maging isang dakilang guro na may dangal at moralidad.

Isinasaad sa Artikulo IV- Seksiyon 1- na ang pagtuturo ay ang pinakamarangal
na propesyon. Aktibo kong pangangalagaan ang karangalang ito at magpapakita ng tapat
at pagmamalaki sa aking pagtuturo bilang aking bokasyon.

Sa Seksioyn 2- naman ay paninindigan ko ang pamantayan ng kalidad na
edukasyon. Paghahandaan at ibibigay ko ang lahat ng aking makakaya sa lahat ng oras at
higit pang magsasanay sa propesyong ito.

Batay naman sa Seksiyon 3- ay dapat makilahok sa programang Continuing
Professional Education (CPE) ng Professional Regulation Commission (PRC) sa
pamamagitan ng patuloy na pag-aaral para mapaunlad at mapahusay ko ang aking
kakayahan at maging produktibong guro sa hinaharap upang makaaagapay sa mga bagong
kalakaran at kasalukuyang impormasyon o kaganapan. Sa pamamagitan ng propesyonal
na pag-unlad at patuloy na pagtamo ng edukasyon, magiging daan ito para gawin ko ang
lahat ng aking makakaya para sa kapakanan ng bawat mag-aaral nang may dignidad at
pananagutan sa Diyos at sa Bayan.

Mapalad akong napasama sa nabigyan ng pagkakataong maging iskolar ng
National Educators’ Academy of the Philippines (NEAP)- Philippine Normal University (PNU)
– Linking Standards and Quality Practice (LiSQuP). Ito ay programang tumutugon sa
panawagan at hamon na “reskilling and upskilling” ng pangkat ng mga guro, pinuno ng
paaralan, at superbisor. Ang aking mga natutuhan sa programang ito ay akin ding ibabahagi
para sa kapakanan at ikabubuti ng mga mag-aaral, kapwa guro, paaralan, at ng bayan
upang higit na maisakatuparan ang “Sulong Edukalidad” na programa ng Kagawaran ng
Edukasyon.

Buo ang aking loob, determinado, may tiwala sa sarili, at sa paggabay ng Panginoon
natitiyak kong makakayang harapin ang mga pagsubok at hamon na paunlarin ang aking
propesyon. Magiging masigasig ako at mapanagutan sa hinaharap dahil… guro ako at
paninindigan ko ang propesyong ito!