Kamakailan lang bumalandra sa mga pahayagan, social media at telebisyon ang hindi magandang sinapit ng isang guro na sa pamamagitan ng pagsasaway, humantong sa isang trahedya na hindi mawari ng mga mag-aaral na magagawa ng isang estudyante sa kanyang guro. Nasawi ang guro. Sa pangyayari nag-iwan ito na malaking marka sa isip at imaginasyon ng mag-aaral na hindi nila malilimutan.
Sa ganitong sitwasyon, nalalagay na naman sa samut-saring intriga at negatibong reputasyon ang isang guro. Huwag naman magbigay agad ng panghuhusga sa guro. Alamin muna ang buong pangyayari at kilalanin ng mabuti ang guro. Hindi lang naman sa mga estudyante ang trauma pati rin sa mga guro. Ramdam ng lahat ng guro ang takot habang sila ay nagtuturo.
May mga pangyayari sa buhay ng guro na siya lamang nakakaalam. Magulang din kami. May pamilya. Tulad din ng magulang ng mga mag-aaral namin nakakaranas din kami ng mga suliranin na minsan nadadala pa namin sa klase na hindi naman namin sinasadya. Hindi kami magaling sa lahat ng oras. Hindi kami superman. Hindi madali ang trabaho namin.
Pangalawang magulang kami kung ituring. Kahit sinong magulang may suliranin sa kanilang anak. Hindi naman hawak ng magulang ang isip ng kanyang anak. Huwag din natin husgahan ang pagpapalaki niya sa kanyang mga anak. Marahil may pagkukulang siya, tulad rin ng guro na may pagkukulang din pero hindi naman ito sukatan na magbigay tayo ng di makataong panghuhusga.
Kung tutuusin anim o walong oras lang kami nasa paaralan. Ang magulang ay halos buong araw magkasama ng kanyang mga anak kapag walang pasok. Ibig sabihin mas maraming natutunan ang mga bata sa labas ng paaralan lalo na sa loob ng tahanan. Maging patas at mapanuri sana tayo sa ating panghuhusga lalo na kung pagkatao na ang apektado.
Published and Owned by: Elvira D. Maristela– T-III, Florentino C. Versoza ES